Ang una una kong alaala kay Pepe ay noong nag-front act sila sa Zombies sa Araneta noong dekada-'60. Drummer siya ng Downbeats yata ang banda niya noon. Covers pa sila noon. Satisfaction ng Stones ang unang kanta. Madilim ang entablado. Nag-intro ang lead at pagpasok na ng lahat ng instrumento suminding nagliliyab yung cymbals ni Pepe. Iyon lang ang liwanag hanggang pumasok na yung vocals. Sa last song naman, yung bagang typical ending ng rock song na magro-rolling yung drummer at pagdating sa huling bagsak ng nota, dinampot ni Pepe yung snare drum at binalibag sa stage. Nag-alisan at nag-impake ang banda habang gumugulong yung drum sa stage. Walang nakapalakpak. Natapos na lang nang ganoon ang set nila. Sa madali't sabi, napatunganga lahat. Shocking kahit sa panahon ngayon lalo na noon. Kakaiba siya.
Noon namang dekada-'70 sa Cultural Center of the Philippines, mayroong produksyong "Mahal Rock Opera." Star studded ang line-up. Ang papel ni Pepe ay parang Jack-in-the-box na lalabas sa isang malaking kahon. Mayroong studio version na may karapatdapat na titik na isinulat ng libretista ang kanta ni Pepe. Pero noong live na sa CCP iba na ang lumalabas sa bibig ni Pepe. Tugma pa rin naman sa music. Improvisation. Ganoon kagaling si Pepe noon.
Sa Araneta ulit at dekada-80 naman. Christmas on the Rocks ang pangalan ng konsyerto. Pino-promote ng Juan de la Cruz yung bago nilang album na "Kahit Na Anong Mangyari." Mayroong heckler na sumisigaw ng "Pepeng Bungo..." Lulunurin ito ng banda ng tugtog. Pagkatapos ng kanta at palakpakan heto na naman si Heckler:"Pepeng Bungo..." Napika na si Pepe at lumapit sa mikropono at nagsabi ng pinakamalutong na pagbati na narinig sa isang rock concert: "Kinang ina mo ang ingay mo ha!" Hagalpakan ang lahat. Pause... Palakpakan tapos. Tamimi na si.....