Late 90s noong masalta ako sa Maynila. Ang akala ko pa noon ay kung sabihin ng isang taga-Sampaloc na "pupunta ako sa trabaho" ay maghahanapbuhay siya. Pupunta pala sa Trabajo sa may Espana.
Noong mga panahon na ito una kong napakinggan ang stasyon sa radyo na NU107. Salitan 'yan ng LA105 ko pinapakinggan: NU107 kung mga foreign na alternative, Weezer, Soundgarden, Primus, Metallica, mga tipong ganon ang hanap ko. LA 'pag pinoy metal o punk, Skychurch, Death by Stereo, Rumblebelly, The Wuds, The Jerks, ganun.
Medyo nainis ako sa LA noon, kasi pinag-aaway nila ang "Metal" at "Hiphop". Very bad for young impressionable minds, 'kako, kasi pati ako sinakyan ko. 'tas lumabas ang RATM, Limp Bizkit. Isang araw noong 90s din, akala ko biro, puro pop na ang pinapatugtog ni The Doctor. Okey lang, sabi ko. May NU naman, e.
Maya-maya sa NU ko naunang narinig ang mga tipong Massive Attack, Sneaker Pimps, Portishead. " 'tangna 'ganda", sabi ko, "ng halo ng hiphop 'tsaka malamig na boses, 'tas malalalim ang meaning."
Mga tipong Muddy Waters, Robert Johnson na blues. "Shet, sobrang sakit pakinggan (sa magandang paraan). Parang kinakalkal sa pinakailalim ng kaluluwa ko ang lahat ng hinanakit at inilalabas. Pero ang simple lang! Parang G-C-G-C-D lang na bar chords."
Mga tipong Korn at Deftones. Parang blues din ang epekto sa akin, pero may "Adrenaline".
Dito ko na rin napakinggan ang The Clash, The Smiths, The Verve, The White Stripes, The Breed. Sublime, Sandwich. Slapshock, Cheese, Greyhoundz. Wolfgang.
Sa Zach & Joey in the Morning, minsan tumawag ako pagkatapos sabihin ni Zach na no call requests. Sabi ko, "Pwede mag-request?". Blues with Cousin Hoagy. Remote Control Weekend. May show pa na late night noon na puro house music. Feeling raver ako 'pag pinapakinggan ko 'yun. In The Raw. Early UNTv (Erning at 'Tado), "Tama!!".
Malamang malakas lang ang tama ko ng mga panahon na iyon, pero sigurado akong may nagbago na sa akin. Para bang namulat sa ibang mundo. Parang, "Ito ako."
Marami na ring nangyari magmula noong una akong nakinig ng NU. Pamilyado na, at 'di na naniniwala sa kaluluwa. 2010, mawawala na ang NU107. Magbabago daw ng format kasi binenta 'yung stasyon. Siyempre, pera-pera.
Sa alternatibong kulturang Pilipino, naging malaking bahagi ang musika ng NU. Sayang, at 'di ito nakikita ng mga kapitalistang bumili ng stasyon. Sa mundo ko, ang mga natutunan kong sining sa NU ang isa sa pinakamalaking naghulma sa aking kamalayan.